Abante Tonite
Rey Marfil
Mistulang tuluyan nang sumabog sa mukha ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang isyu sa retake ng nursing board examination makaraang kuyugin ito ng reklamo hindi lamang ng mga apektadong examinees kundi maging ng oposisyon.
Kahapon, pinagre-retake ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson si Mrs. Arroyo para matuldukan ang ginawang pandaraya noong 2004 national election, katulad ng rekomendasyon nito sa nursing board exam.
Ayon kay Lacson, founder ng Unlad Pilipino, walang ibang guilty at may hawak ng rekord sa pinamalaking pandarayang naganap sa kasaysayan ng Pilipinas kundi si Mrs. Arroyo, partikular ang pagnanakaw sa kapangyarihan noong 2004 national election.
Sa Youth Convention na ginaganap sa Bohol, dinagsa ng reklamo si Lacson tungkol sa retake policy ni Mrs. Arroyo, kaakibat ang alegasyong umaastang hudikatura ang Presidente at pinangungunahan ang desisyon ng korte.
Kung pinagre-retake ni Mrs. Arroyo ang mga nursing student bilang solusyon sa nangyaring leakage o dayaan sa pagsusulit, higit aniyang may karapatan ang mga kabataang humingi ng Special Election upang magkaalaman kung sino ang nandaya noong 2004 national election.
"There should be a presumption of innocence. Yet, those who passed the examinations feel they are being treated as if they were guilty. Many of them were even saying, what about Mrs. Arroyo? Should there not be a ‘retake’ of the 2004 elections?" ani Lacson.
Tanging Court of Appeals (CA) lamang ang may kapangyarihang maglabas ng desisyon tungkol sa retake policy ng gobyerno, ayon kay Lacson, kaya’t sablay ang muling pakikialam ni Mrs. Arroyo sa kapangyarihan ng hudikatura.
"The Court of Appeals has not issued any decision on the matter, yet Malacañang already made a decision. Why is it preempting the judiciary? Does it feel it is above a co-equal branch of government?" ani Lacson.
Dobleng pasanin sa balikat ng mga estudyante at magulang ang retake na itinutulak ni Mrs. Arroyo, ayon kay Lacson, dahil malaking gastos ang inisip ng palasyo at lumalabas pang pinapaamin sa pandaraya ang ibang estudyante gayong hindi naman lahat nakinabang sa leakage ang mga ito.
"They are crying foul because even if they did not cheat, they will be made to spend anew for the ship fare to Manila, the review, and board and lodging and other expenses," ani Lacson.
Kaugnay nito, mahigit dalawang daang nursing graduates ang nag-rally kahapon sa harap ng tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) upang iprotesta ang retake policy ni Pangulong Arroyo.
Hindi matanggap ng examinees ang biglang pagbabago ng desisyon ni Pangulong Arroyo at kinukuwestyon ng mga ito kung sino ang nagsulsol dito para baguhin ang naunang posisyon na hindi magkakaroon ng retake.
Anila, nais nilang maparusahan kung sinuman ang promotor ng leakage subalit hindi makatarungang idamay silang mga nakapasa na hindi naman nandaya.
Kinuwestyon din ng grupo ang desisyon ng Malacañang na anila’y pinangunahan pa ang paglalabas ng desisyon ng CA.
No comments:
Post a Comment